Natutunan kong yakapin noon ang pilosopiya ni Nietzsche at ang teorya ng postmodernismo, ang teorya ng pragmatismo, mga teorya ni Rorty, at iba pa na kalapit nito. Sa katunayan, naging bahagi pa nga ng pagtingin ko sa buhay ang konsepto ng ni Nietszche “amor fati”. Sa halip na paghinagpisan ang tadhana, tanggapin at yakapin ito dahil bahagi ka nito, dahil hindi mo matatakasan ang kaayusang ito (maikakabit kay Rorty); lumikha ng sariling naratibo at magkaroon ng “will to power” at hayaan ang sarili na “mag-expand”. Sa tingin ko medyo malapit ito (pero hindi hihigit) sa konsepto ng “lack” ni Zizek, na sa halip na subukang i-“suture” ito sa pamamagitan ng mga “partial objet petit a,” tanggapin na lamang ito bilang permanenteng “sintomas” ng pagiging sabjek ng simbolikong kaayusan. “Enjoy your symptom!” ani nga ni Zizek. Pero kung si Zizek ang tatanungin, “cheap” ang interpretasyong ito ng “amor fati.”
Akala ko rin noon sapat na ang pagpapahayag ng resistances sa sariling paraan. Naniniwala rin ako noon na hindi na angkop ang diskurso ng Marxismo sa kasalukuyang Pilipinas. “Cynical” (sa Zizekian na pagpapakahulugan) ako sa pagtingin sa mundo. Para sa akin, walang patutunguhan ang mga pagkilos dahil maliliit lamang ang resistances na ito kung ikukumpara sa malawak at komplikadong aparato ng estado. Kaya tingin ko noon ilusyon lamang talaga ang sinusulong na communitarian state. Hindi ibig sabihin na sinasang-ayunan ko ang neo-liberal na diskurso. Ang alam ko, may perspektibong kanan, kaliwa, at panggitna, at nakaposisyon ako sa pinakahuli.
Sinumang makakatagpo si Zizek, sasabihing “turning point” siya ng mga taong ito. Hindi totoo na “truth is what works.” May absolutong katotohanan na kinukubli ng kaayusan. May unibersong walang laman na pinupunan lamang ng mga dominanteng elemento. Walang panggitnang posisyon dahil sa realidad may dalawang diskuro lamang na nagtutunggalian: liberalismo at komunitarianismo. Kung akala mong wala kang posisyon, kinakasangkapan ka ng diskurso ng liberalismo nang hindi mo alam. Sabi nga ni John Berger, kumikilos lamang ang babae at lalake sa dalawang direksyon, pasulong o paatras.
Eye-opener nga si Zizek. Sa oras na makilala mo siya, malalaman mong pinapaikot lamang pala ng mga dating iniidolo mo ang pag-iisip mo. Yung mga bagay na akala mong tama, mali pala. Ganito nga kalakas kumilos ang doxa ng nangingibabaw na kaayusan. Kaya pati nosyon ng ideolohiya inaabuso na, hanggang sa parang hindi na ito ganon kaepektibo dahil naiangkop na sa doxa. Kumbaga may “enlightened false consciousness” na ang mga tao: malay na malay ang mga tao sa ginagawa nila, pero ginagawa pa rin nila (commodity fetishism). May sarili ngang lohika ang kapitalismo kaya kayang-kaya nitong pakilusin at ireprodyus ang sarili.
Ang Master palaging may dalawang mukha: may isang dimensyon na malinaw na nakikita (Law) at may isang dimensyon na hindi nakikita (fantasy; obscene Other). Kung wala ang obscene dimension na ito, wasak ang Master. Nagiging operatibo ang dominasyon ng Master sa mga sabjek dahil sa obscene Other nito, kapag hindi nadama ng mga ito na hawak sila ng Master. Ang mga nabanggit ko kanina hinggil sa “dating ako,” ganon patagong kumilos ang obscene Master.
Kaya siguro cynical ako noon dahil naka-angkla ang posisyon ko sa identity politics na ang inihahaharap lamang talaga sa dambuhalang sistema ng kapitalismo ay maliliit na resistances, na magaan na sinasakyan ng sistema dahil wala namang threat. Kaya itong mga knaves at fools na ito, ang mga nagpapanggap na Marxista, ang civil society, ang fundamentalist groups, lahat ay “supplements” ng sistema ng kapitalismong neo-liberal. Ang tunay na makapagpapalaya sa serye ng mga kontradiksyon ay ang uri ng mga manggagawa, ang unibersal na sabjek. Makikita dito na binubuhay talaga ni Zizek ang mga diskursong marhinalisado. Posible pa ang mga akalang imposible. Hindi hiwalay ang Real sa Symbolic. Pwedeng magkaroon ng “glimpse” sa Real sa loob ng Symbolic sa pamamagitan ng Act na tinatawag. Buhay ang pag-asa at hindi dapat isuko ang “Desire.”