Nagsisimula ang desire kapag may “lack.” Castrated ang sabjek pagpasok nito sa simbolikong kaayusan at naghahangad itong maging “buo,” kaya may desire, na imposibleng mangyari dahil ang pagiging “buo” ay magaganap lamang sa dimensyon ng Real, kapag nakatapat nito ang Thing (imposibleng objek ng jouissance o absolute jouissance) na siyang makabibigay garantiya ng “wholeness.” Kapag nangyari ito, wala na ang sabjek sa dimensyon ng Symbolic, dahil “traumatic” ang pakikipagtagpo sa absolute jouissance.
Ngayon, anong klaseng jouissance ang gumagawa ng “pag-suture” sa “hole” ng mga sabjek? Bakit temporaryo palagi ang jouissance sa paraang pabagu-bago at walang permanenteng “objet petit a” na nagsasara sa “hole”? Dahil sa loob ng simbolikong kaayusan, ang natatanggap lamang ng mga sabjek ay “surplus-jouissance” bilang katapat ng pagsilbi ng mga ito sa Other. Isa pa, ang desires ng mga sabjek sa Symbolic ay hindi autonomous kundi palaging nakadepende sa desires ng Other. Pantasya lamang ang pag-iisip na malaya ang mga sabjek na idepina ang desires nila; pantasya rin ang pag-iisip na pwedeng maging “buo” dahil hindi pwedeng tumakas sa Symbolic, maliban na lamang kung handa ang isa na mawasak ang socio-symbolic existence nito, at maging psychotic.
Paano maiaaplika ang mga konseptong ito sa kasalukuyang behavior ng mga kabataang Pilipino? Ayon sa huling sarbey ng YAFS, mas maraming mga kabataan ngayon ang nakikibahagi sa pre-marital sex, at kaunti ang gumagamit ng proteksyon. Marami rin umano ang nakikipagtalik sa higit sa isang partner.
Sa ibang bansa, partikular sa mga industriyalisadong bansa tulad ng Amerika, hindi na isyu ito dahil walang “visible authoritarian Other” na nagdidikta sa mga sabjek ng kung ano ang dapat gawin. Bagkus, ang operatibo dito ay ang obscene Superego na nagsasabing “Enjoy!” Sa mga lipunang postmodern lamang makikita ang ganitong karakter ng Superego. Kabaligtaran ito ng lipunan natin. Ang historikal na lokasyon natin ay nasa ang ika-18 siglo pa ng Amerika kung saan buhay pa ang Father, ang paternal symbolic authority na tumutukoy sa dominasyon ng Simbahan. Sa yugto ng kapitalismo, ang patay na Father ay nagbabalik bilang Name-of-the-Father, ang paglabas ng obscene Other. Hindi pa tayo postmodern dahil malaki pa rin ang impluwensya ng Simbahan sa pagdedesisyon ng Estado sa pagpapanukala ng mga polisiya (halimbawa, ang pagpapatupad ng sex education curriculum; ang paggamit ng natural method; pagpapatupad sa anti-abortion bill), gayon din sa pagpapalaganap ng norms ng lipunan, ng paghubog sa karakter ng Superego natin.
Bagaman hindi pa tayo ganap na humahantong sa pagkakaroon ng postmodern Superego, dala na global media, naiaangkop unti-unti ng ibang mga kabataan ang mga elementong postmodern ng Kanluran, kahit na tradisyunal na kultura pa rin ang nangingibabaw. Tignan na lang ang konsepto ng “pag-live in” na tinuturing na taboo noon pero tanggap na tangap ngayon. Ang pagiging batang ina tila malapit na ring sumapit sa ganitong pagtanggap. Sa mga komunidad urban, halos hindi na kinukwestyon ang maagang pag-aasawa, ang pre-marital sex at ang relasyong homosexswal.
Bakit nananatili ang ganitong mga risk behavior na tinatawag sa kabila ng mga pagtatangkang bawasan ang mga kasong ganito? Matatandaan na sa pamamagitan ng mga anyo ng prohibisyon, pinalalakas lamang lalo nito ang desire. Isa pa, may pantasya ang mga kabataan na ang “kabuuan” nila, na ang makapagsasara sa “lack” nila, ay ang pakikipagtagpo sa mga partial/incomplete objet petit a na ito –pre-marital sex, droga, alak at sigarilyo, mga barkada, pag-aasawa. Nagpapatuloy ang mga risk behavior na ito dahil surpuls-jouissance lamang ang nakukuha nila, at hindi ang impossible absolute jouissance na kinatatakutan nilang makatagpo. Ang mga ganitong behavior ng mga kabataan ngayon ay nagpapakita ng pagbabago mula sa perversion sa tradisyunal na Superego, patungong hysteria sa Superego na ito; hinahamon ng mga kabataang ito ang Superego ng tradiyunal nating lipunan.
Ganito rin tumatakbo ang kapitalismo. Nananatili ang dominasyon nito sa mga sabjek dahil surplus-jouissance lamang ang nakukuha nila sa Other. Nakatali sila sa Other na ito para sa dagdag na jouissance, upang i-suture ang desire, na kailanman ay hindi pwedeng maibigay nang absoluto, dahil kawasakan ito ng Other.